Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestream
Sa gitna ng pabagu-bagong panahon sa ilang bahagi ng Europa, kabilang na ang bansang Poland, masasabing normal pa rin ang pamumuhay ng mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan doon.
Sa programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko” ng Radyo Pilipinas World Service, inilarawan ni Consul General Conrado Demdem, Jr. ng ating Embahada sa Warsaw ang ating mga kababayan na “adaptable” dahil kinakaya nila ang init na idinulot ng heatwave sa Europa.
Sa katunayan, ani Consul General Demdem, ay nagkaroon pa ng malaking pagtitipon ang mga Pilipino sa Poland, kasama ang Embahada, noong nakaraang weekend para sa isang sports fest.
Ito ay sa kabila ng naitalang temperatura na 40.5 degrees Celsius noong Linggo, ang pinakamataas sa kasaysayan ng Poland mula pa sa taong 1921.
Sa ngayon, ayon kay Consul General Demdem, ay wala pa namang Pilipino sa Poland na nagkasakit o naidala sa ospital dahil sa heatwave.
Ibinahagi ng Embassy official na bagama’t bumaba na sa nasa 20 degrees Celsius ang temperatura sa Poland ay inaasahan na tataas muli ito matapos ang dalawang linggo.