CREATOR: gd-jpeg v1.0 (using IJG JPEG v62), quality = 80?
Kinilala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ang desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapalabas ng bagong Wage Order na nagkakaloob ng ₱85 na dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Binigyang-diin ni PCCI President Perry Ferrer na susunod sila sa bagong wage order.
Gayunpaman, hinimok niya ang pamahalaan na magpatupad ng mga polisiya sa pasahod na magpapatatag din sa productivity at kakayahan ng mga kumpanya.
Aniya, naniniwala sila na ang pagtatakda ng sweldo ay dapat ding isaalang-alang ang kapasidad ng mga negosyo — partikular ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) — na kayanin ang malaking dagdag sa gastusin sa paggawa habang pinoprotektahan ang mga trabaho at pamumuhunan.
Nagbabala si Ferrer na kung ang pagtaas ng sweldo ay hindi sasabayan ng paglago ng produktibidad at pagbaba ng gastusin sa pagpapatakbo ng negosyo, maaari itong magpataas ng inflation.
Muling nakiisa ang PCCI sa isang bukas na diyalogo kasama ang gobyerno at sektor ng paggawa upang makabuo ng mga balanseng patakaran na pumoprotekta sa mga manggagawa habang hinahayaan ang mga negosyo na lumago at lumikha ng mas maraming kalidad na trabaho.