Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagbaba sa Heightened Alert mula sa Full Alert status sa buong bansa.
Ito’y sa gitna na rin ng nagpapatuloy na aktibidad ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Liwasang Bonifacio sa Maynila buhat sa People Power Monument sa Quezon City.
Gayunman, nilinaw ni PNP Acting Spokesperson, PCol. Allen Rae Co na mananatili pa rin ang Full Alert status sa National Capital Region (NCR) kung saan idinaraos ang aktibidad.
Layon nito na tiyakin ang seguridad at kaayusan ng mga dumadalo sa pagtitipon gayundin sa mga motoristang madaraan sa lugar.
Tiniyak ng PNP ang kanilang kahandaang tumugon sa ano mang sitwasyon habang patuloy ang pagbabantay para mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko.