Naghain si Senador Kiko Pangilinan ng isang resolusyon sa Senado para kilalanin at parangalan ang Philippine Women’s National Tennis Team matapos ang makasaysayan nitong pag-akyat sa Elite Group I ng Billie Jean King Cup.
Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 484, binigyang-pugay ni Pangilinan ang koponan matapos nitong talunin ang Uzbekistan sa promotional playoff noong June 20, 2026, na nagbigay sa Pilipinas ng puwesto sa Elite Group I para sa 2027 season.
Ito rin ang kauna-unahang pagbabalik ng Pilipinas sa naturang antas ng torneo matapos ang siyam na taon.
Ayon sa senador, patunay ang tagumpay ng koponan sa husay ng mga atletang Pilipino sa pandaigdigang kompetisyon.
Aniya, mahalaga rin ang naging kampanya ng koponan sa pagsusulong ng kababaihan sa sports at sa pagpapalakas ng grassroots sports development sa bansa.
Pinangunahan ang koponan nina Team Captain Denise Dy at Coach Robert Angelo, kasama ang mga manlalarong sina Tennielle Madis, Shaira Rivera, Alexa Joy Milliam, at Stefi Marithe Aludo.
Samantala, binati naman ni Senador Ping Lacson ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos nitong makamit ang unang panalo sa main draw ng Wimbledon Championships.
Sinabi ni Lacson na magandang balita ang tagumpay ni Eala sa gitna ng mga nagaganap na isyu sa bansa.
Tinalo ni Eala ang Mexican tennis player na si Renata Zarazua sa straight sets upang makuha ang kanyang kauna-unahang panalo sa pangunahing draw ng Wimbledon.
Sa susunod na yugto ng torneo, makakaharap niya si Maya Joint. | ulat ni Nimfa Asuncion