Photo courtesy of Provincial Government of South Cotabato
Sa bawat makulay na hibla ng telang T’nalak at sa bawat natatanging disenyo nito ay may nakatagong kuwento. Mga panaginip na isinasalin sa habi ng mga T’boli, ang tinaguriang Dream Weavers ng South Cotabato.
Taun-taong ipinagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Hulyo, ang T’nalak Festival ay higit pa sa isang makulay na selebrasyon. Ito ang pagdiriwang ng mayamang kultura, pagkakaisa ng iba’t ibang etnikong grupo, at paggunita sa pagkakatatag ng lalawigan. Ngayong taon, kasabay ng ika-60 anibersaryo ng South Cotabato, isasagawa ang ika-27 T’nalak Festival mula Hulyo 1 hanggang 18, na may temang “Our Culture, Our Strength, Our Pride.”
Sa programang Iskultura, ibinahagi ni Provincial Information Officer at Festival Director Rudy S. Jimena na layunin ng pagdiriwang na ipagmalaki ang natatanging kultura ng lalawigan habang ipinapakita ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa pamamagitan ng T’nalak cloth.
Bahagi rin ng selebrasyon ang pagbibigay-pugay sa mga naging gobernador ng lalawigan at sa kanilang mga ambag sa paghubog ng South Cotabato sa nakalipas na anim na dekada.
Bukod sa makukulay na cultural presentations, inaanyayahan ang mga turista na tuklasin ang eco-tourism destinations, tikman ang mga lokal na pagkain, at maranasan ang kultura ng South Cotabato. Ang T’nalak Festival ay simbolo ng pagkakaisa, pagkakakilanlan, at mayamang pamana na patuloy na ipinagmamalaki at ipinapasa sa susunod na henerasyon.