Inanunsyo ng Senado na magiging bukas sa publiko ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magsisimula sa Lunes, July 6.
Batay sa advisory na inilabas ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr., 61 upuan ang ilalaan para sa publiko sa bawat araw ng paglilitis.
Ang pagpasok ay first-come, first-served batay sa pagkakasunod ng mga matagumpay na makakapagparehistro sa Senate Visitor Management System (VMS).
Kinakailangang magparehistro ang mga nais dumalo sa pamamagitan ng https://vms.senate.gov.ph o sa pag-scan ng inilabas na QR code ng Senado.
Sa online portal, kailangang piliin ng aplikante ang nais na petsa ng pagdalo at ang opsyong “Impeachment Trial,” saka kumpletuhin ang hinihinging impormasyon at mga kinakailangang dokumento.
Magbubukas ang online registration alas-dos ng hapon, isang araw bago ang nakatakdang petsa ng paglilitis.
Ang mga maaaprubahang aplikante ay bibigyan ng QR code na magsisilbing entry pass sa Senate Session Hall.
Pinaalalahanan din ng Senado ang lahat ng dadalo na panatilihin ang tamang asal at mahigpit na sundin ang mga umiiral na alituntunin habang nasa loob ng Senate premises.
Sinabi ng Senado na ang iba pang updates at mga kaugnay na anunsyo ay ilalabas sa opisyal nitong social media accounts.