Hindi papatinag si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa reklamong perjury at falsification of public documents na isinampa laban sa kaniya sa Pasay City Prosecutor’s Office kamakailan.
May kaugnayan ito sa alegasyon ng dual citzenship dahil hindi pa rin umano binibitawan ng kalihim ang kaniyang Maltese passport na nakatakdang mapaso ngayong taon.
Ayon kay Teodoro, matagal na niyang nabigyang linaw ang usapin kaya’t bahala na ang mga nag-akusa sa kaniya na patunayan ang kanilang mga paratang.
Una nang sinabi ng Defense Department na isang uri ng “fishing expedition” ang reklamo laban sa kalihim ng ilang nagpakilalang abogado sa pangunguna ni Atty. Russel Miraflor.
Giit ng kagawaran, nakabase ang reklamo sa mga tsismis dahil sa kawalan ng matibay na ebidensyang susuporta rito.