Photo courtesy of Senate of the Philippines
Nagbabala si Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Raffy Tulfo sa patuloy na pagdami ng mga insidente ng bird strike sa bansa, na aniya’y maaaring magdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga pasahero ng eroplano.
Sa pagdinig ng komite, ipinaliwanag ni Tulfo na ang bird strike ay nangyayari kapag bumabangga ang ibon sa isang sasakyang panghimpapawid gaya ng eroplano o helicopter.
Maaari aniya itong magdulot ng pinsala sa makina, windshield at iba pang bahagi ng eroplano na maaaring humantong sa aksidente kung hindi maagapan.
Ayon kay Senator Raffy, kailangang maging handa ang mga kinauukulang ahensya bago magsimula ang migration season ng mga ibon mula Setyembre 2026 hanggang Pebrero 2027.
Tinukoy niya ang Las Piñas–Parañaque Wetland Park, na nasa tinatayang dalawa hanggang tatlong kilometro lamang mula sa Runway 6 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), bilang isa sa mga lugar na dapat pagtuunan ng pansin dahil dinarayo ito ng humigit-kumulang 5,000 ibon araw-araw.
Batay sa datos na tinalakay sa pagdinig, umabot sa 953 ang naitalang bird strike incidents sa buong bansa noong 2025. Samantala, nasa 250 insidente na ang naitala sa unang kalahati pa lamang ng 2026.
Nanawagan din si Tulfo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na higpitan ang pagbabantay at ipagbawal ang pigeon racing malapit sa mga paliparan dahil maaari rin itong magdagdag sa panganib ng bird strike.
Sinabi naman ng DILG na maglalabas sila ng memorandum circular na mag-uutos sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang para maiwasan ang mga insidente ng bird strike.
Iminungkahi rin ni Tulfo na pag-aralan ang posibleng paglilipat ng bird sanctuary sa Las Piñas–Parañaque para mabawasan ang panganib sa operasyon ng mga sasakyang panghimpapawid sa NAIA.