Maituturing na isang makasaysayang milestone para sa bansa ang pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang isang Upper-Middle Income Country.
Sa panayam ng programang Mark In, Mark Out kay RCBC Chief Economist Michael Ricafort, sinabi nitong indikasyon ang nasabing pag-angat ng estado ng bansa sa pagtaas ng gross net income nito na direktang iniuugnay sa bilang ng mga Pilipinong kumikita at may maayos na trabaho.
Isama pa rito ang nananatiling batang populasyon ng Pilipinas na may average age na 25 years old na isang demographic sweet spot.
Dagdag pa ni Ricafort, na isa talaga sa pinakamalaking naka-ambag sa pag-angat ng estado ng Pilipinas patungong Upper-Middle Income Country ay ang OFW remittances na itinuturing na pang-apat na pinaka-malaki sa buong mundo.
Kasama rin sa mga nakitang naka-ambag dito ang patuloy na paglago ng Business Process Outsourcing o BPO industry sa bansa at ang sektor ng turismo.