Photo Courtesy: NHA
Pinagkalooban ng National Housing Authority (NHA) ng isang condominium unit ang naulilang pamilya ng yumaong Ateneo student-athlete na si Rene Clert “Bobet” Baterbonia.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, bahagi ito ng patuloy na suporta ng ahensya sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at ng layunin nitong mabigyan sila ng panibagong pag-asa.
Personal na binisita ni Gng. Rovelyn Baterbonia, ina ng yumaong atleta, ang kanilang bagong tahanan sa Madayaw Residences sa Davao City.
Ang ipinagkaloob na unit ay may lawak na 42 square meters at may dalawang silid-tulugan, palikuran, at kumpletong kitchen at dining area.
Ayon sa pamilya Baterbonia, lubos ang kanilang pasasalamat sa natanggap na pabahay, na nagsisilbing simbolo ng pag-alalay ng pamahalaan sa gitna ng kanilang pagdadalamhati at panibagong simula.
Patuloy naman ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang pabahay na naglalayong maghatid ng seguridad, dignidad, at mas maayos na kinabukasan para sa mga pamilyang Pilipino.