📸 Taiwan in the Philippines
Nagbigay ang pamahalaan ng Taiwan ng aabot sa USD 200,000 o katumbas ng mahigit P11 milyon bilang tulong sa relief at recovery efforts ng Pilipinas para sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Pormal na ipinagkaloob ang donasyon ng Taipei Economic and Cultural Office o TECO sa Manila Economic and Cultural Office o MECO sa isang seremonya. Naging saksi rin dito ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay TECO Ambassador Wallace Chow, layunin ng donasyon na makatulong sa patuloy na pagbangon ng mga apektadong komunidad at magsilbing simbolo ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng Taiwan at Pilipinas sa panahon ng kalamidad.
Binigyang-diin din niya ang matibay na ugnayan ng dalawang bansa bilang magkalapit na kapitbahay na kapwa nakararanas ng mga natural na sakuna.
Bukod dito, nagbigay rin ang Subic Bay Taiwan Chamber of Commerce ng karagdagang P360,000 bilang suporta sa mga naapektuhan ng lindol.
Nagpasalamat naman ang MECO sa patuloy na suporta ng pamahalaan at mamamayan ng Taiwan, at tiniyak na ang lahat ng ayuda ay maipararating sa mga pamilyang higit na nangangailangan habang nagpapatuloy ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng lindol.