📸 Pasay LGU
Isang araw bago ang pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, unti-unti nang naghihigpit ang seguridad sa paligid ng Senado sa Lungsod ng Pasay.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nakalatag na ang mga metal barrier at barbed wire sa paligid ng Senado bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa pagsisimula ng pagdinig.
Nakaayos na rin ang mga traffic cone na gagamitin sa pagpasok ng mga sasakyan sa loob ng gusali.
Samantala, ayon sa Pasay Traffic and Parking Management Office, pansamantalang isasara ang Diokno Boulevard mula Seaside Boulevard hanggang Atang Dela Rama Street, kabilang ang northbound at southbound lanes, simula bukas, araw ng Lunes, Hulyo 6.
Ipatutupad ang road closure tuwing Lunes, Martes, at Miyerkules mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, kasabay ng mga pagdinig na inaasahang tatagal ng pito hanggang walong buwan.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa Macapagal Boulevard bilang alternatibong ruta at sundin ang ipatutupad na traffic advisory upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.