Pinaalalahanan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng tauhan nito na nakatutok sa pagbibigay ng seguridad sa ngayong unang araw ng Impeachment Trial laban kay Vice President Sara Duterte, sa Senado.
Sa flag raising ceremony sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., dapat maglingkod ang PNP nang walang kinikilingan, disiplinado, at tapat sa kanilang mandato.
Binigyang diin nito, na hindi sila nagsisilbi sa sino mang personalidad o interes sa pulitika, kung hindi sa Konstitusyon kung saan sila nangako na ipatutupad ang batas gayundin ay protektahan ang mamamayang Pilipino.
Nauna nang sinabi ng PNP na handa na ang kanilang security deployment para sa pagbubukas ng impeachment trial
Aabot sa higit 6,000 pulis ang nakahandang magbigay ng seguridad, kabilang ang 3,250 na ide-deploy sa mga pangunahing lugar sa paligid ng Senado, at 2,900 Civil Disturbance Management personnel.