Tiniyak ng Quezon City Government na walang dapat ikabahala sa pagtaas ng naitalang COVID-19 cases sa lungsod sa nakalipas na tatlong linggo.
Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, pawang mild lamang ang mga naitalang kaso at wala ring naobserbahang clustering o severe cases.
Batay sa datos, umakyat sa 84 ang kumpirmadong kaso mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 1, mula sa 23 kaso na naitala noong Mayo 21 hanggang Hunyo 10.
Sa kabuuan, 146 na ang naitalang kumpirmadong COVID-19 cases sa Quezon City ngayong taon. Karamihan sa mga pasyente ay nakaranas ng lagnat, ubo, at sipon bago nagpositibo sa virus.
Patuloy namang mino-monitor ng pamahalaang lungsod ang sitwasyon at iginiit na nananatiling mababa ang bilang ng kaso kumpara sa kabuuang populasyon ng Quezon City.
Samantala, patuloy na nagbibigay ng libreng konsultasyon, COVID-19 testing kapag kinakailangan, at gamot ang 66 health centers ng lungsod.
Nakikipag-ugnayan na rin ang city government sa Department of Health para sa genome sequencing ng mga sample upang matukoy ang umiikot na COVID-19 variant.