Pinaghahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda sa banta ng papalapit na bagyo sa bansa.
Ayon sa PAGASA, kabilang sa inaasahang maaapektuhan ng bagyo ang Northern Luzon, MIMAROPA, at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Kaya naman, ngayon palang ay inabisuhan na ng DA ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga palay at mga gulay bago pa maapektuhan ng pag-ulan.
Pinalilinis na rin ang mga daluyan ng tubig sa mga irigasyon at mga pilapil upang maiwasan ang mga pagbaha.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na ring hanguin ng maaga ng kanilang mga isda at ipagpaliban na muna ang pagpapalaot lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malakas na hangin at alon dahil sa bagyo.
Sa panig ng DA, tiniyak naman nitong tuloy-tuloy na ang paghahanda para ayudahan ang mga maapektuhang magsasaka at mangingisda ng bagyo.
Kabilang dito ang pag-pre-position ng mga binhi at pakikipag-ugnayan na rin sa mga LGU at Regional DRRM offices.