Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang paghahanda sa banta ng paparating na Super Typhoon.
Sa abiso ng DILG, pinayuhan ang mga governor at alkalde na manatiling alerto at tiyaking handa ang kanilang mga lugar sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang epekto ng bagyo.
Kabilang sa ipinag-utos ng DILG ang patuloy na monitoring sa mga abiso ng PAGASA at pagpapalakas ng koordinasyon ng mga local disaster risk reduction and management council.
Pinaghahanda rin ang mga evacuation center, relief supplies, rescue equipment, at mga response team para sa mabilis na pagtugon kung kinakailangan.
Inatasan din ang LGUs na linisin ang mga daluyan ng tubig at siyasatin ang mga imprastraktura upang mabawasan ang panganib ng pagbaha at pinsala.
Hinimok naman ang publiko na maging handa, maghanda ng emergency kit, at sumunod sa mga babala at direktiba ng mga awtoridad.