Positibo ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na bubuti na ang pandaigdigang sitwasyon sa kabila ng mga kinahaharap na hamon.
Ito ang tinuran ni Economic Planning Sec. Arsenio Balisacan kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagbagal ng inflation sa 6.4% nitong Hunyo mula sa 6.8% noong Mayo.
Ayon kay Balisacan, malaki ang naitulong ng pagbaba ng presyo ng langis gayundin ang mga ginawang hakbang ng pamahalaan sa suplay ng pagkain.
Nabatid sa ulat ng PSA na pangunahing dahilan sa pagbaba ng inflation ay ang mas mabagal na pagtaas ng pamasahe gayundin ng presyo ng langis dahil sa humuhupang tensyon sa Gulf region.
Bumagal din ang pagtaas ng presyo ng pagkain at non-alcoholic drinks na nasa 5.2 percent na lamang nitong Hunyo kumpara sa 5.7 percent noong Mayo.
Malaking ginhawa para sa pamilyang Pilipino ang bawat pagbaba ng inflation dahil nangangahulugan ito na magkakasya na ang budget lalo na sa mga mahihirap na pamilya.
Sa ngayon, ipinapatupad na ng pamahalaan ang El Niño Food Security Action Plan na layong palakasin ang kahandaan ng bansa sa pabago-bagong panahon, tiyakin ang sapat na pagkain, bawasan ang lugi ng mga magsasaka at mangingisda, at maghatid ng murang pagkain sa publiko.