Humingi ng paglilinaw si Senator-Judge Ping Lacson sa naging pahayag kahapon ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero tungkol sa kinakailangang bilang ng boto para sa conviction ng isang respondent sa impeachment trial.
Sa pagsisimula ng ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Lacson si Escudero kung ang bahagi ng kanyang opening statement tungkol sa 16-vote requirement para sa conviction ay personal niyang legal na opinyon o isa nang opisyal na pasya ng impeachment court.
Pinunto ni Lacson na nauna nang sinabi ni Escudero na, batay sa literal na pagbasa sa probisyon ng Konstitusyon hinggil sa two-thirds vote, kinakailangan ang hindi bababa sa 16 na boto ng mga senator-judges upang mahatulang guilty ang respondent.
Tinanong din ni Lacson kung ang naturang ruling ay maaari nang ituring na isang usaping maaaring dalhin sa Korte Suprema kung kukuwestiyunin ng alinmang panig dahil sa posibleng grave abuse of discretion.
Bilang tugon, nanindigan si Escudero na ang kanyang pahayag ay isa nang opisyal na ruling ng Presiding Officer ng Impeachment Court, na nananatiling may bisa dahil walang senator-judge ang tumutol o umapela rito.
Sinabi rin ni Escudero na maaari na itong ituring na isang justiciable controversy, bagama’t nasa mga hukuman pa rin ang pagpapasya kung diringgin nila ang naturang usapin.