Aabot sa ₱1.91-bilyong halaga ng nasamsam na mga iligal na droga ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang public destruction sa Quezon City ngayong araw.
Sinaksihan nina PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez at Dangerous Drugs Board (DDB) Chair Oscar Valenzuela ang pagsira sa mga nakumpiskang kontrabando sa pamamagitan ng thermal decomposition sa Cosmopolitan Memorial Chapels and Crematory sa Barangay Doña Imelda.
Kabilang sa mga winasak ang mahigit 279 kilo ng shabu, 55 kilo ng marijuana, gayundin ang ecstasy, diazepam, pseudoephedrine, liquid marijuana, at toluene na dati nang ginamit bilang ebidensya sa mga kasong naresolba ng korte.
Ayon kay Usec. Nerez, kasinghalaga ng pagsamsam ng iligal na droga ang pagtiyak na tuluyan itong masisira para hindi na muling makabalik sa komunidad.
“Every gram of illegal drugs destroyed today represents lives protected, families spared from the devastating effects of drug abuse, and communities made safer. Once authorized by the courts, PDEA ensures that every confiscated drug is permanently destroyed.”
Dagdag pa niya, regular na nagsasagawa ang PDEA ng public destruction activities para maiwasan ang drug recycling at mapanatili ang transparency at integridad ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
📸 PDEA
