Nakatutok ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa iba’t ibang lugar sa bansa ngayong pumapasok na ang mga malalakas na pag-ulan.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, inatasan siya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking nakaantabay ang DPWH kasama ang iba pang sangay ng pamahalaan.
Ito ay upang agad na tumugon sa mga lugar na madalas bahain at masigurong ligtas ang bawat mamamayan mula sa epekto ng mga pagbaha.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang ‘Oplan Kontra Baha’ ng DPWH sa Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Tarlac, Naga, at ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, kabilang ang Cebu, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro, at Maguindanao, bilang bahagi ng patuloy na paghahanda ng pamahalaan ngayong tag-ulan.
Sa nasabing programa, isinasagawa ang paglilinis, desilting, dredging, at pag-aalis ng mga obstruction sa mga waterway upang mapabuti ang daloy ng tubig-ulan at mabawasan ang panganib ng pagbaha.
Una nang sinabi ni DPWH Secretary Dizon na ngayong pagpasok ng malalakas na pag-ulan ay masusubok ang mga ginawang flood control na naisaayos matapos mabuko ang mga ghost at sub-standard na proyekto.