Photo Courtesy of CIDG
Nakumpiska ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang ₱1.54 milyong halaga ng umano’y substandard na solar lights at panels sa isang operasyon sa Bulacan.
Isinagawa ng CIDG Eastern Metro Manila District Field Unit ang operasyon sa isang bodega sa Barangay Matungao, kung saan naaresto ang isang 35-anyos na Chinese national at negosyante na kinilalang si alias “Han.”
Ayon sa Philippine National Police (PNP), natuklasan sa operasyon na ang mga solar lights at panels ay umano’y hindi sumusunod sa itinakdang safety at quality standards, na naging batayan ng kasong paglabag sa Consumer Act of the Philippines.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na bahagi ang naturang operasyon ng patuloy na pagsisikap ng PNP na maprotektahan ang publiko laban sa mga produktong maaaring magdulot ng panganib sa mga mamimili.