Hiniling ng House Prosecution Panel na maglabas ang Senate Impeachment Court ng subpoena para sa tax at bank records ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, kahapon ay natanggap ng Impeachment Clerk of Court ang kahilingan para sa paglalabas ng subpoena duces tecum kaugnay ng tax documents ni VP Sara, ng kanyang asawang si Mans Carpio, at ng dalawampu’t dalawang negosyong may interes ang Bise Presidente.
Kasabay nito, natanggap din ng Impeachment Court ang panibagong kahilingan para sa subpoena ng mga bank records na nakatuon kay Anti-Money Laundering Council (AMLC) Chairman at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr.
Ipapadala ng Impeachment Court ang mga kahilingang ito sa defense team ni VP Sara, na bibigyan ng limang araw upang magsumite ng komento o pagtutol sa mga naturang mosyon.
Pagkatapos nito, magtatakda ang Impeachment Court ng pagdinig para sa oral arguments upang pagdesisyunan kung pagbibigyan ang mga kahilingan ng prosekusyon.