Nilinaw ni Senator-Judge Ping Lacson na hindi siya tutol sa pananaw ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na 16 na boto ng mga senador ang threshold, o kinakailangang bilang, para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Bagkus, ayon kay Lacson, nakikiisa siya sa naturang pananaw.
Aniya, kahit may mga senador na nakakulong o nagtatago, kasama pa rin sila sa kabuuang bilang na 24 na senador sa ilalim ng 20th Congress.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang kanyang pagtatanong sa Impeachment Court nitong Martes ay naglalayong malaman kung ang pahayag ni Escudero hinggil sa kinakailangang 16 na boto ay personal na legal na opinyon lamang nito o isa nang opisyal na pasya ng korte.
Pinunto ng senador na nabanggit lamang ito ng presiding officer sa kanyang opening statement noong Lunes at hindi sa pamamagitan ng isang mosyon na maaaring kuwestiyunin at pagbotohan ng mga senator-judges.
Dagdag pa niya, marami rin ang nagtatanong sa kanya tungkol sa naturang pahayag kaya mahalagang malinawan ang usapin.
Ngayon, aniya, naipaliwanag na ang posisyon ng Impeachment Court kaya maaari na itong ituring na isang “justiciable issue,” o isang usaping maaaring dalhin sa Korte Suprema kung may partidong naniniwalang nagkaroon ng “grave abuse of discretion” sa naging desisyon o interpretasyon ng Impeachment Court.