Nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasig City, kaninang umaga.
Tinalakay nila ang mga posibleng epekto sa Metro Manila ng hagupit ng Super Bagyong Inday na ngayon ay nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa ulat ng PAGASA, posibleng sa Biyernes, ganap nang maramdaman ang epekto ng bagyo kaya’t asahan na ang malakas na ulan lalo’t paiigtingin nito ang habagat na tatagal hanggang Linggo.
Tiniyak naman ni MMDA Chairperson, Atty. Don Artes na handa ang kanilang mga kagamitan para sa ano mang pagtugon lalo na sa mga lugar na lantad sa pagbaha.
Inirekomenda rin ng DPWH-NCR sa mga may-ari ng Billboards sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan, na ibaba ito pagsapit ng Biyernes upang hindi makapaminsala.
Sa panig naman ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, pinaalalahanan nito ang lahat ng LGUs na expect for the worst dahil mabuti nang handa kaysa sa mapinsala sa kasagsagan ng sakuna.