Nagtungo sa Senado ngayong umaga si Atty. Zuleika Lopez, ang Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte na una nang pina-subpone ng senate impeachment court.
Hindi nagbigay ng pahayag si Lopez kung bakit siya nagtungo ng Senado.
Pero nilinaw ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na administrative matters lang ang pakay at tinanong sa kanya ni Lopez, at walang kinalaman sa kaso o sa impeachment court.
Ayon kay Bantug, kabilang sa mga tinanong ng VP Chief of Staff ay ilang guests ang pwedeng imbitahan ng defense team sa trial at ang logistics sa holding area ng defense team.
Nilinaw rin ng senate secretary na hindi niya inisyu kay Lopez ang subpoena ng impeachment court sa pakikipag- usap nito sa kanya dahil hindi pa niya ito hawak nang oras na iyon.
Dinagdag rin nitong ang senate sergeant at arms ang mag-iisyu ng warrant at hindi siya bilang impeachment clerk of court o senate secretary. | ulat ni Nimfa Asuncion