Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binigyang-diin ng isang ekonomista na kailangan ng tinatawag na “delicate balance” sa pagtantya sa kung ano ang maaari maidulot ng Senate impeachment trial kay Vice President Sara Duterte sa ating ekonomiya, lalung-lalo na sa pagnenegosyo at pamumuhunan.
Sa programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Chief Economist Michael Ricafort na bagamat gumagana ang demokrasya sa ating bansa, mahalagang isaalang-alang din ang limitasyon sa oras at resources.
Ayon kay Ricafort, malinaw naman ang naging commitment ng Kongreso na pagtutuunan pa rin ng pansin ang priority reform measures, partikular na ang mga panukalang batas na nakapokus sa ekonomiya at good governance.
Binalikan ng ekonomista sa panayam ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2025 kaugnay ng anomalous flood control projects.
Ani Ricafort, kabilang din sa mga priority reform measures na dapat tutukan ang proposed Anti-Political Dynasty Act, pag-amyenda sa Party-List System Act, panukalang Independent People’s Commission (IPC) Act, at CADENA (Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability) Bill na nagsusulong ng transparency at accountability sa paggastos ng pamahalaan.
Dagdag ng ekonomista, makatutulong ang mga nabanggit na panukalang batas sa pagbabalik ng kumpiyansa at setimyento ng mga mamumuhunan sa ating bansa.