Kampo dapat ni Vice President Sara Duterte ang magpatubay sa kanilang binanggit na Operation Romanov o ang banta sa buhay ng ikalawang pangulo at ng pamilya nito.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro, na hindi ang Palasyo, kundi ang Defense lawyer na si Atty. Mark Vinluan ang mayrooong responsibilidad na patunayan ang binitiwang pahayag sa gitna ng impeachment trial.
Kung matatandaan, sinabi ni Vinluan na ang pahayag noon ni VP Sara na mayroong siyang kinontrata na pumatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay tugon bilang isang pribadong indibidwal, asawa, ina, anak, at kapatid, at hindi aniya, bilang isang bise presidente, na nananawagan ng proteksyon para sa kaniyang pamilya mula sa umano’y Operation Romanov.
Binigyang-diin ni Castro na agad kumilos noon ang National Bureau of Investigation (NBI) at sumulat kay VP Sara, upang malaman at ma,imbestigahan ang sinasabing death threats, bagay na hindi naman umano sinagot ng bise presidente.
“Jinu-justify niya ang sinasabing Oplan Romanov, kaya siya nagbanta sa Pangulo? Hindi natin maiwawaksi ang pagiging Bise Presidente niya at sa pagiging Nanay niya. Ang pagbabanta ay pagbabanta, sinuman ka man, nagbanta ka sa buhay ng Pangulo, kahit ikaw ay isang nanay, ikaw ay isang Bise Presidente, walang pagkakaiba iyon, nagbanta ka pa rin sa buhay ng Pangulo.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan