DICT and Rakuten
Nagpulong ang mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga pinuno ng Rakuten upang talakayin ang mga paraan para mapaganda pa ang serbisyo ng messaging application na Viber sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ng DICT na pinangunahan ni Secretary Henry Aguda ang pagpupulong kung saan tinalakay ang mga isyu sa performance ng app na nagiging abala sa mga residenteng Pilipino. Naghanap din ang dalawang panig ng mga solusyon upang mas maging maaasahan o reliable ang Viber sa bansa.
“Sakop ng talakayan ang call setup performance, mga problema sa network latency (o bagal ng koneksyon), mga pagpapahusay sa imprastraktura, at mga posibleng paraan upang mailapit ang ilang bahagi ng imprastraktura ng Viber sa Pilipinas,” ayon sa DICT.
Nagkasundo ang magkabilang panig na patatagin ang kanilang teknikal na koordinasyon kasama ang mga lokal na kompanya ng telekomunikasyon (telecoms) upang mas mabilis na matukoy at masolusyunan ang mga usapin sa serbisyo.
Ayon pa sa kagawaran, ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DICT na makipagtulungan sa mga digital platform at mga stakeholder sa industriya upang masiguro ang mas mabuti, mas mabilis, at mas maaasahang digital services para sa mga Pilipino.
Dumalo sa nasabing pulong sina DICT Secretary Aguda at ang mga pinuno ng Rakuten Viber na sina Liad Shnell (Chief Technology Officer at Chief Information Security Officer), Dean Shub (Chief Architect at Director of Architecture), at Lerick Elipe (Business Development Manager).