Naisilbi na ng sheriff ng Sandiganbayan ang panibagong warrant of arrest laban kina Senador Rodante Marcoleta at dating Congressman Michael Defensor kaugnay ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46.
Ang naturang batas ay nagbabawal sa pagbibigay at pagtanggap ng regalo sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno at pribadong indibidwal.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (CIDG-NCR) Chief Col. John Guiagui, agad nilang bineripika ang inilabas na media advisory ng Sandiganbayan Fourth Division at nakumpirmang nai-serve na ang warrant laban sa dalawang akusado.
Sinabi ni Guiagui na may kaukulang piyansang ₱30,000 ang naturang kaso at hiwalay ito sa naunang kasong plunder na kinakaharap nina Marcoleta, Defensor, at dalawang iba pa.