Malaking karangalan at oportunidad. Ganito kung ituring ni Neuroscientist na si Rohani Cena-Navarro ang mapabilang sa 12 Outstanding Young Scientist Awardees para sa 2026 ng National Academy of Science and Technology.
Sa press conference ng 48th Annual Scientific Meeting ngayong Huwebes, July 9, ibinahagi ng tubong Mindanao na bahagi ng kanyang adbokasiya ang pagbisita sa iba’t-ibang paaralan upang mahikayat ang mas maraming kabataan na mag-aral ng maigi at pumasok sa larangan ng agham.
Bukod kay Navarro, iginawad din ang Outstanding Young Scientist Award sina Joseph Q. Basconcillo ng University of the Philippines Los Baños para sa marine meteorology; Cherry P. Fernandez Colorado (UP Los Baños) sa veterinary medicine; Eldrin D. Arguelles (UP Los Baños ) sa aquatic biology; Mark Nell C. Corpuz ng Bataan Peninsula State University sa environmental science; Rafaela Jane P. Delfino ng UP Diliman sa meteorology, atmosphere, oceans and climate; Karl Ezra S. Pilario (UP Diliman) sa energy and power; Mayzonee V. Ligaray (UP Diliman) sa environmental science and engineering; Wilfred John Santianez (UP Diliman) sa natural history sciences; Ryan Michael Oducado ng West Visayas State University sa nursing education; Joshua Eric Romulo B. Uyheng ng Ateneo de Manila University sa societal computing; at Joseph Velasco ng De La Salle University sa sociology.
Bukod sa tropeo, tatanggap ang bawat awardee ng ₱150,000 cash award. Pagkakalooban din sila ng tig ₱1 milyon na research grant, na mula sa Department of Science and Technology, para sa kanilang aprubadong research proposal
Iginagawad ang Outstanding Young Scientist Award sa mga Filipino scientist na 40 taong gulang pababa na nagpakita ng natatanging ambag sa pagpapaunlad ng agham at teknolohiya sa bansa. | ulat n Quincy Cahilig