Kinilala ang Philippine Ports Authority (PPA) bilang isa sa top-performing government-owned and controlled corporations matapos pumang-anim sa pinakamalalaking dividend contributor sa National Government.
Tinanggap ni PPA General Manager Jay Santiago ang pagkilala sa 2026 GOCC Day recognition ceremony sa Malacañang, ilang araw bago ang ika-52 anibersaryo ng ahensya.
Batay sa Republic Act Number 7656 o Dividends Law, kailangang mag-remit ang GOCCs ng hindi bababa sa 50 percent ng kanilang annual net earnings sa National Government.
Mula 1986, umabot na sa ₱62.33 billion ang kabuuang dividend remittance ng PPA, habang ₱5.33 billion naman ang idineklarang dividend nito para sa fiscal year 2025, ang pinakamataas na single remittance sa kasaysayan ng ahensya.
Ayon sa PPA, naitala rin nito ang pinakamataas na annual revenue na ₱30.09 billion noong 2025, bunsod ng pagtaas ng vessel traffic, cargo throughput, regulatory income, storage revenues, at revenue optimization initiatives.
Sa tala ng pamahalaan, umabot na sa halos ₱139.8 billion ang dividend remittances mula sa 50 GOCCs ngayong 2026.
Nanguna sa listahan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Land Bank of the Philippines, Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), Manila International Airport Authority (MIAA), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at PPA.
Tiniyak ng PPA na ipagpapatuloy nito ang port modernization, digital transformation, at infrastructure investments upang palakasin ang trade, turismo, national connectivity, at public service.