“Hindi natibag at hindi nabutasan.” Ito ang binigyang-diin ni Impeachment Manager at Spokesperson Robert Ace Barbers matapos isalang sa cross-examination ng depensa ang testigo ng prosekusyon na si NBI Agent John Mark Calilung.
Ayon kay Barbers, buong-tapang na pinanindigan ni Calilung ang kaniyang testimonya at teknikal na kaalaman hinggil sa isinagawang pagsusuri sa kontrobersiyal na video clip kung saan nagbanta si Vice President Sara Duterte.
Patunay umano ito sa katatagan ng testimonya na iniharap nila sa Impeachment Court matapos mabigo ang depensa na itong pahinain sa kabila ng mahabang cross-examination.
Ang cross-examination ang pangunahing pagkakataon ng depensa para subukin ang kredibilidad ng saksi at maghanap ng butas sa ebidensya ng prosekusyon.
Aniya, kumpiyansa ang prosekusyon habang naghahanda para sa pagpapakita ng iba pang mga saksi at ebidensya sa mga susunod na pagdinig.