May naitala na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng higit 2,000 pamilya o katumbas ng 6,273 indibidwal na apektado ng mga pag-ulang dala ng Habagat at Bagyong Inday.
Ayon sa DSWD, kabilang sa mga apektadong rehiyon ang Western Visayas, Negros Island, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Davao.
Kaugnay nito, mayroon na ring 600 pamilya o nasa higit 2,000 katao ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center habang may 34 ding residente ang nakikitira sa kanilang mga kaanak.
Una nang tiniyak ng DSWD na handa itong tumugon sa mga maaapektuhan ng Bagyong Inday at ang pinalakas nitong habagat.
Ayon kay Disaster Response Management Bureau Director Maria Isabel Lanada, may sapat na nakapreposisyong 4.7 milyong Family Food Packs, mahigit 360,000 ready-to-eat food boxes, at 265,000 non-food items, bukod pa sa ₱644.2 milyong standby funds.
Nakaantabay rin ang 14,442 miyembro ng DSWD Quick Response Teams para sa agarang deployment sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng kalamidad.
📸 DSWD

