Dahil sa inaasahang masamang lagay ng panahon dulot ng Habagat na pinaigting ng Bagyong Inday, inirekomenda na ng mga City Disaster Risk Reduction and Management ng Quezon City, Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela (QC CAMANAVA) ang suspensyon ng face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan ngayong Biyernes, July 10.
Kabilang dito ang mga Child Development Centers, Kindergarten, Grades 1-12 at Alternative Learning System.
Kaugnay nito, ipatutupad na muna ang Alternative Delivery Modes of Learning (Synchronous / Asynchronous) para sa mga mag-aaral.
Ang suspensyon naman ng klase sa mga higher education institutions ay ipinauubaya sa pasya ng pamunuan ng eskwelahan. Gayunpaman, hinihikayat ang mga itong sumunod sa national o localized suspension.
Samantala, maging ang pasok sa Valenzuela City Hall, maliban sa disaster response office ay suspendido na rin ngayong araw.



