Nagpapaalala ang Muntinlupa City sa mga residente nito na huwag munang pumalaot sa Laguna de Bay ang anumang uri ng sasakyang pandagat ngayong araw, July 10, 2026.
Ayon sa LGU, ito ay dahil pa rin sa posibleng pananalasa ng pinalakas na habagat dulot ng Bagyong Inday.
Ayon pa rito, ang malakas na hangin at ulan ay posibleng magdulot ng mapanganib na kondisyon sa Laguna de Bay.
Ang paalala ay batay na rin sa abiso ng Lake Management Office (LMO) na bawal ang pagpalaot sa lawa ngayong araw.
Sa pinakahuling tala ng Laguna Lake Development Authority, nasa 10.98 meters ang water level ng lawa at ito ay nasa normal na lebel.