Pormal nang binuksan sa bansa ang 11th ASEAN Plus Three Junior Science Odyssey (APT JSO) na nagsimula noong Hulyo 5 at tatakbo hanggang Hulyo 11, 2026. Pinangungunahan ito ng Department of Science and Technology-Philippine Science High School (DOST-PSHS) System.
Ang APT JSO ay isang taunang internasyonal na programa para sa mga piling mag-aaral na may edad 13 hanggang 15 mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN, kasama ang China, Japan, at South Korea. Layunin nitong hubugin ang siyentipikong pag-iisip ng kabataan sa pamamagitan ng pagtutulungan at paglutas sa mga totoong problema sa mundo.

(Mula kaliwa pakanan) Nasa larawan sina Philippine Science High School (PSHS) System Executive Director Ronnalee Orteza, ASEAN+3 Center for the Gifted in Science (ACGS) Program Director Soo-Young Lee, DOST Undersecretary for Scientific and Technical Services Maridon Sahagun, at ASEAN Secretariat Representative Dony Cahyono. Ang kanilang pagsasama ay nagpapakita ng matatag na pagtutulungan ng host country at mga partner na organisasyon upang bigyang-lakas ang mga batang siyentipiko tungo sa aksyon para sa klima at responsable nilang pag-imbento para sa isang mapapanatiling kinabukasan. ( 📷 DOST-PSHS System)
Sa taong ito, bitbit ng programa ang temang “Climate Action and Responsible e-nnovation for Sustainability (ASEAN+3 CAReS)” na nakatutok sa papel ng kabataan laban sa climate change.
Ayon kay Dr. Ronnalee N. Orteza, Executive Director ng PSHS System, mahalaga ang pagkakaisa ng mga bansa dahil ang mga krisis tulad ng climate change at food security ay walang pinipiling hangganan. Binigyang-diin naman ni DOST Undersecretary Maridon O. Sahagun na hindi sapat ang teknolohiya lang; dapat ay may pananagutan at tamang pagpapahalaga (values) na gagabay sa mga imbensyon. Ipinakilala rin niya ang tatlong prinsipyo para sa linggong ito: Katuklas (co-discoverers), Kaugnay (collaborators), at Kaisa (co-advocates).
Sa buong linggo, sasabak ang mga estudyante sa mga eksperimento, field study sa mga kagubatan at sa Mount Pinatubo, pagsusuri ng satellite data, at pagbuo ng mga siyentipikong proyekto para sa kalikasan. Mayroon ding mga kultural na aktibidad upang mapatibay ang pagkakaibigan ng mga delegado.
Ang okasyon ay magkatuwang na inorganisa ng ASEAN Secretariat, ACGS, at DOST-PSHS System, sa tulong ng iba’t ibang ahensya tulad ng PAGASA, PHIVOLCS, at PhilSA.