Binigyang-diin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte alinsunod sa Konstitusyon at rule of law.
Inihayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na hindi kumakampi ang Simbahang Katolika pabor man o laban sa Bise Presidente. Aniya, layunin ng Simbahan na tiyaking masusunod ang rule of law at hayaang dumaan sa tamang proseso ang impeachment.
Giit pa ni Bagaforo, mahalaga ang hustisya at pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa harap ng mga alegasyon ng katiwalian.
Aniya, ang mga pinuno ng bansa ay dapat managot sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan.
Samantala, kinilala rin ng CBCP na nahahati ang mga Pilipino dahil sa magkakaibang paniniwalang pampulitika. Dahil dito, nanawagan ang Simbahan para sa pagkakaisa at hinikayat ang publiko na unahin ang kabutihang panlahat kaysa sa “personal politics.” |