Walang naitalang pinsala sa mga pananim, alagang hayop, at pangisdaan matapos ang pinakahuling pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island noong Hulyo 9.
Batay ito sa patuloy na monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa epekto ng pag-aalburuto ng bulkan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Tiniyak ng DA ang patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa mga lokal na pamahalaan upang makapagbigay ng mga advisory at maihanda ang mga livestock evacuation center kung kinakailangan.
Kabilang din sa mga hakbang ang patuloy na pagtatasa sa posibleng pinsala at pagmamanman sa suplay at presyo ng mga produktong agrikultural.
Sa ulat ng PHIVOLCS, nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon. Dahil dito, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.