Dumating na sa Pilipinas ang unang batch ng antiretroviral o ARV medicines para sa mga Persons Living with HIV o PLHIV. Ayon sa Department of Health (DOH), halos 500,000 bote ng gamot ang nakatakdang maipamahagi simula sa susunod na linggo.
Sa isinagawang inspeksyon ng kagawaran, kinumpirma nito na ligtas, mabisa, de-kalidad, at rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ang 455,188 bote ng mga dumating na gamot. Ito ang unang tranche ng inaasahang kabuuang 1.2 milyong HIV commodities na darating sa bansa.
Inaasahang makukumpleto ang pagdating ng natitirang bahagi ng unang tranche sa mga susunod na linggo, habang ang ikalawa at ikatlong tranche ay inaasahang darating mula Agosto hanggang Setyembre.
Aminado ang DOH na nakaapekto ang sitwasyon sa Middle East sa pagdating ng HIV commodities, ngunit tiniyak nitong patuloy ang mga hakbang upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng gamot at walang maaantalang gamutan para sa mga PLHIV sa bansa.