Tinatayang nasa ₱3.5 bilyong halaga ng mga pinaniniwalaang ipinuslit na ilegal na sigarilyo mula sa kabuuang 59 container vans ang nasabat sa isang malawakang anti-smuggling operation na pinangunahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC) sa Tondo Manila, Cebu Province, at Mandaue City noong Hunyo 22, 24, 2026 at Hulyo 11, 2026.
Sa isinagawang inspeksyon nina NBI Director Atty. Melvin Matibag at BOC Commissioner Atty. Ariel F. Nepomuceno ngayong araw, natukoy ang 25 container vans (20-footer) na naglalaman ng tinatayang ₱980 milyong halaga ng mga ilegal na sigarilyo. Batay sa paunang pagtataya ng mga awtoridad, umaabot sa ₱3.5 bilyon ang kabuuang halaga ng laman ng lahat ng 59 container vans.
Ayon kay Director Matibag, ang operasyon ay hindi lamang laban sa smuggling kundi laban din sa pagkawala ng bilyun-bilyong pisong kita ng pamahalaan na dapat ay napakikinabangan ng taumbayan.
Humigit-kumulang ₱15 bilyon ang kabuuang halaga ng excise taxes at iba pang kaukulang buwis na dapat sanang mapunta sa kaban ng bayan kung naging legal ang pagpasok ng naturang mga produkto.