Muling ipinaalala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na labag sa batas ang pagpaparami o paggamit ng mga larawan ng Philippine banknotes nang walang paunang pahintulot mula sa ahensya.
Ayon sa BSP Circular No. 829, Series of 2014, hindi maaaring mag-print, mag-photocopy, mamahagi, o gumamit ng anumang larawan o kopya ng Philippine banknotes maging ito man ay black and white, may kulay, o kombinasyon ng mga kulay nang walang awtorisasyon mula sa BSP.
Babala ng BSP, ang mga lalabag sa naturang patakaran ay maaaring makulong ng hindi bababa sa limang taon hanggang sampung taon.
Nilinaw rin ng Bangko Sentral na maaari lamang pahintulutan ang reproduksyon ng mga banknote kung ito ay para sa layuning pang-edukasyon, pangkasaysayan, o numismatics, at kinakailangang sumunod sa mga kondisyong itinakda sa circular.
Inilabas ng BSP ang paalalang ito kasunod ng pagkalat sa social media ng mga larawan ng photocopy ng Philippine banknotes matapos ang naging talakayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte tungkol sa paggamit ng photocopy bilang ebidensya sa korte. |