Hinihikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na makiisa bilang mga volunteer at donor para sa operasyon ng Walang Gutom Kitchen sa Pasay City, Cebu City, at Zamboanga City.
Layunin ng programa na magbigay ng libreng mainit at masustansyang almusal at tanghalian sa mga pamilyang nakararanas ng di-sinasadyang kagutuman (involuntary hunger).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, malaki ang naitutulong ng mga volunteer at donor sa pagpapatakbo ng mga kusina bilang bahagi ng sama-samang paglaban sa kagutuman.
Bahagi ng pagpapalawak ng Walang Gutom Kitchen ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking walang pamilyang Pilipino ang makararanas ng matinding kagutuman.
Bukod sa Pasay City, mayroon ding mga pasilidad ang DSWD sa Pier 4 OKK Square sa Cebu City at sa FGL Building sa Zamboanga City, na parehong bukas mula umaga hanggang hapon.
Inaanyayahan ang mga indibidwal, grupo, pribadong sektor, mga paaralan, mga ahensya ng gobyerno, at mga lokal na pamahalaan na magboluntaryo o magbigay ng donasyon sa programa.