Photo courtesy of DSWD Secretary Rex Gatchalian Facebook
Nagpasalamat si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa patuloy na kumpiyansa at tiwala ng publiko, matapos siyang manguna sa satisfaction rating at pumangalawa sa trust rating ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., batay sa pinakahuling Tangere survey.
Sa naturang survey, nakakuha ang kalihim ng 48% satisfaction rating at 47.96% trust rating.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, ang mataas na satisfaction at trust ratings ng kalihim ay sumasalamin sa dedikasyon ng buong hanay ng DSWD, mula sa Central Office hanggang sa regional field offices.
Magsisilbi naman umano itong inspirasyon para higit pang palakasin, paghusayin, at gawing mas inklusibo ang mga programa at serbisyo ng ahensya.
“Gaya na rin ng instruction sa atin ni Secretary, patuloy ang DSWD sa pagpapaigting ng ating mga programa at serbisyo upang tugunan ang pangangailangan at development ng mga bulnerableng sektor sa tulong na rin ng iba pang mga ahensiya at ng iba pa nating mga partner organizations. Importante sa atin na mapanatili ang tiwalang ipinagkakalaoob sa atin ng ating publikong pinagsisilbihan,” ani Asst. Secretary Dumlao.
Kabilang sa mga programang patuloy na pinaiigting ng DSWD ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Walang Gutom Program, Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Sustainable Livelihood Program (SLP), at disaster response management.