Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang paghahain ng kasong administratibo at kriminal laban sa isang pulis dahil sa umano’y pagdadala ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱1.28 milyon sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., inilagay na sa restrictive custody ang nasabing pulis na naktagala sa Camp Crame.
Inatasan din niya ang mga imbestigador na tiyakin ang agarang paghahain ng naaangkop na kaso matapos ang imbestigasyon at pagsusuri ng Bureau of Customs (BOC).
Naaresto ang pulis sa isinagawang checkpoint operation ng intelligence personnel ng Pagadian City Police Station sa National Highway sa Barangay Tiguma matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y pagdadala ng smuggled na sigarilyo.
Sa inspeksyon sa sasakyan ng suspek, nadiskubre ang 251 reams ng New Berlin cigarettes na may tinatayang halagang ₱1.28 milyon.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek habang tinatapos ang mga kinakailangang proseso at mga kasong isasampa laban sa kanya.
Binigyang-diin ni PGEN Nartatez na walang sinuman ang nakahihigit sa batas at hindi kukunsintihin ng PNP ang anumang ilegal na gawain, anuman ang ranggo o yunit na kinabibilangan.