Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang anumang ligal na aktibidad para palawakin ang kamalayan ng mga Pilipino ukol sa usapin ng West Philippine Sea.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kaisa sila sa pagtataguyod ng pambansang pagkakaisa, pagmamahal sa bayan at kamalayan tungkol sa soberaniya ng bansa sa nasabing karagatan.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na suportahan ang mga mapayapang hakbangin na nagsusulong ng mga karapatang soberanya at pambansang interes ng bansa.
Ginawa ng PNP Chief ang pahayag kasunod ng pakikilahok ng Pulisya sa 2026 National Peace Walk na ginanap nitong Linggo, July 12, sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Ginunita sa naturang Peace Walk ang ika-10 anibersaryo ng makasaysayang 2016 South China Sea Arbitral Award, na nagpatibay sa mga karapatan ng Pilipinas sa karagatan sa ilalim ng pandaigdigang batas.