Dapat ang mga Distribution Utilities (DUs), at hindi ang mga consumer, ang sumagot sa pinansyal na gastos ng technical system losses sa kuryente ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Gatchalian na ang mga DU ang may kakayahang magbawas ng technical losses dahil sila ang maaaring bumili ng bagong kagamitan at mag-upgrade ng mga substation at linya.
Ang technical system loss ay tumutukoy sa hindi maiiwasang pagkawala ng enerhiya habang ipinapadala ang kuryente mula sa power plants patungo sa mga consumer.
Ayon sa senador, hindi man tuluyang maaalis ang system loss sa proseso ng transmission ng kuryente, dapat matukoy kung sino ang may kakayahang bawasan ito.
Iminungkahi rin ni Gatchalian sa Energy Regulatory Commission (ERC) na ituring ang technical system loss bilang gastos ng distribution utilities, sa halip na ipasa ito bilang bahagi ng singil sa consumers.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na maaari nang alisin ang 12-percent value-added tax (VAT) sa electricity system loss charges kahit walang bagong batas.
Batay aniya ito sa konsultasyon niya kasama sina BIR Commissioner Charlito Mendoza at ERC Chairperson Saturnino Juan.
Giit ng senate president, pareho ang kanilang interpretasyon na hindi na kinakailangan ng bagong batas para alisin ang VAT sa system loss at sapat na ang isang regulasyon mula sa ERC.
Ibinatay ito ni Gatchalian sa probisyon ng Ease of Paying Taxes (EOPT) Act, na nagsasaad na hindi lahat ng halagang ipinapasa sa consumers ay otomatikong dapat patawan ng VAT.
Kapag naglabas aniya ng regulasyon ang ERC, susundan ito ng kaukulang revenue regulation mula sa BIR.
Layunin ng hakbang na ito na mapababa agad ang singil sa kuryente habang tinatalakay ng Senado ang mga panukalang batas para tuluyang alisin ang system loss charges na ipinapasa sa mga consumers.| ulat ni Nimfa Asuncion