Inanunsyo ni Senate President Sherwin Gatchalian na accessible na sa publiko, sa pamamagitan ng Senate website, ang lahat ng dokumentong may kaugnayan sa isinasagawang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gatchalian, inatasan na niya ang Senate Secretariat na tiyaking may sapat na resources upang ma-upload ang lahat ng dokumento at ebidensya kaugnay ng impeachment trial sa pinakamabilis at pinakaepisyenteng paraan sa sandaling maiharap ang mga ito sa paglilitis.
Binigyang-diin din ng Senate President na ang pagbibigay ng access sa mga kaugnay na dokumento upang masuri ng publiko ay isang mahalagang hakbang sa pagpapanatili ng integridad ng Senado.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa pamamagitan ng pagpapanatili ng isang komprehensibong digital repository ng mga proseso ng impeachment, masisiguro ng institusyon na mabeberipika mismo ng mamamayang Pilipino ang mga ebidensya, sa halip na umasa lamang sa mga impormasyong nakikita nila sa social media.
Batid aniya na ang tunay at huling hukom sa impeachment trial ay ang mamamayang Pilipino. Kaya naman, inanyayahan ng Senate leader ang publiko na suriin, basahin, at unawain ang mga proseso upang makabuo ng sarili nilang pananaw.