Pinag-iibayo pa ng Department of Agriculture–National Fisheries Research and Development Institute ang paggamit ng siyentipikong datos para mapangalagaan ang yamang-isda sa Laguna de Bay.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr, nagsanay ang ahensya ng mga technical data enumerator sa ilalim ng Fishery Resources Assessment in Laguna de Bay na pinondohan ng Laguna Lake Development Authority.
Lumahok sa limang araw na pagsasanay ang 35 kalahok, kabilang ang 10 bagong enumerator na ide-deploy sa mga fish landing site sa Muntinlupa, Laguna at Rizal.
Tinuruan ang mga ito ng fish stock assessment, pagkilala sa mga uri ng isda, at tamang pangangalap ng datos.
Ayon sa DA-NFRDI at BFAR, mahalaga ang tumpak na impormasyon para makabuo ng mas epektibong hakbang sa pangangalaga ng yamang-isda.
Sinabi pa ni Tiu Laurel Jr. na mahalagang mapanatiling produktibo ang Laguna de Bay dahil nagsusuplay ito ng sariwang isda sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan. | ulat ni Rey Ferrer