Muling sinuspinde ang mga klase sa San Jose National High School sa Tacloban City ngayong Martes, July 14.
Ito ay matapos kumalat ang umano’y “online threat” laban sa paaralan sa social media.
Sa pahayag ng San Jose National High School, sinabi nitong isinagawa ang suspensyon ng klase upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.
Samantala, sa hiwalay na pahayag, sinabi ng DepEd Tacloban City Schools Division na nagpatupad ito ng blended learning sa paaralan simula ngayong araw kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y online threat na kumalat sa social media at messaging platforms.
Hindi naman tinukoy kung anong uri ng banta ang kumalat.
Ayon sa Schools Division, agad itong nakipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), lokal na pamahalaan, at iba pang kaukulang ahensya, na nagresulta sa pagdaragdag ng mga pulis at barangay tanod sa loob at paligid ng paaralan bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad.
Patuloy namang iniimbestigahan ng PNP ang pinagmulan at katotohanan ng mga naturang banta.
Hinimok din ng Schools Division ang publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Matatandaang tatlong mag-aaral ng San Jose National High School ang nasawi habang ilan pa ang nasugatan sa naganap na pamamaril sa loob ng paaralan noong June 22.