Hindi susuportahan ni Senator-Judge Ping Lacson ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng mga tax record ni Vice President Sara Duterte kung wala ang written authorization mula sa Pangulo, alinsunod sa itinatakda ng batas.
Ayon kay Lacson, hindi niya nais na makibahagi sa anumang hakbang na lalabag sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa umiiral na jurisprudence ng Korte Suprema.
Binigyang-diin din ng senador na maging ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas.
Giit ni Lacson, kung ipipilit na buksan ang BIR box ay boboto siya laban dito dahil ayaw niyang masisi balang araw na naging bahagi siya ng paglabag sa batas.
Nakatakdang dinggin ng Impeachment Court ngayong linggo ang argumento ng prosekusyon at depensa kaugnay ng hiling na magpalabas ng subpoena para sa mga tax at bank records nina vice president sara duterte, asawa niyang si Mans carpio at mga negosyong nakaugnay sa kanila.
Nauna nang sinabi ni Lacson na ang paghawak sa Income Tax Return (ITR) records ng Bise Presidente ay dapat nakabatay lang sa batas at sa umiiral na jurisprudence. | ulat ni Nimfa Asuncion